Monday, October 19, 2015

Katahimikan

 




Akala nang iba, mahilig ako sa katahimikan. Talaga ba? O sadya lang ‘di ka naglaan ng oras para mas lalo ako makilala? Bakit ang dali nating makuntento sa unang impresyon ‘pag tumitingin sa iba, samantalang tayo mismo ay ayaw na satin may madaling humuhusga?

 
Tahimik ba ‘ko? Mayabang? Mapangmata? Bakit nakuntento ka sa negatibong isipin mo sa kapwa, imbis na gumawa ng paraan para mapatunayan kung nasa mali ka o tama?
 
Suplada. Teka, ‘di ko maisip kailan ko pa nagging responsibilidad na bigyan ka ng kaaliwan. Kailan? Nung nagkakasalubong tayo na hindi man lang kita natignan, o yung nagkasabay tayo na isang tanong, isang sagot lang ang usapan?
 
Tahimik ba ‘ko? Hindi mo lang alam, pero ang ingay.
Hindi ko napapansin ang paligid kadalasan dahil sa haba ng aking salaysay.
 
May makitang maliit na detalye, meron nang naalala.
May maamoy na pabango sa mga estante, sa ibang panahon ako biglang nadadala.
 
May matikman lang na pagkain, may marinig na tugtugin, makadaan man lang sa pamilyar na tanawin, o kahit madampian man lang sa mukha ng malamig na hangin… nalulunod ako sa emosyon na bumabalot sa’king damdamin, at nabibingi ako sa diskusyon na umaalingawngaw sa utak kong may sariling usapin.
 
Sa isang sulok ng sarili kong mundo,
Lagi akong nabibingi nang dahil sa sarili kong ingay at sarili kong gulo.
 

 

Hindi po tahimik. Maingay kapag ako’y nag-iisa.
Hindi ka lang talaga kasi nagtiyagang makinig… sa aking mga mata.

 

 
 

No comments:

Post a Comment